Si Pakwan at si kamatis :)
August 5, 2011 Medyo matagal din akong hindi nakapag-sulat sa blog na ito. Ano nga ba ang pinagkakaabalahan ko? Marami. Isa na dun ang eskwela. Ang sabi nila maraming bagay na matututunan ka sa eskwela pero 70% ng dunong eh makukuha sa eksperyensya. Sa ngayon, second year na ako sa kurso kong B.S. Culinary Arts at sa wakas ay may mga major subjects na ako na pang-kusina.
Isa sa mga paborito kong subjects ay ang CKnife subject namin na tungkol sa paggamit ng kutsilyo at knife skills. Basic lang naman ang ituturo, gaya ng tamang paghasa, paghawak, pag-aalaga ng kutsilyo at mga basic cuts sa gulay, isda at karne pero ninais kong palawigin pa ang aking knife skills kaya nag-aral ako kung paano mag-fruit carving. ^_^
Minsan ako’y nangarap…
April 1, 2011
Riding Usi style
March 3, 2011Ilan sa mga taong malamang ay minsan at saglit lamang dadaan sa buhay mo ay yung mga makakasakay mo sa jeep at minsan, ang mga taong ‘yun, kahit sandali lang, ilang segundo o ilang minuto mo lang kasama ay magagawang kumpletuhin o sirain ang buong araw mo.
Sabi ng guro namin sa Anthropology, bahagi na daw ng kultura ng mga Pilipino ang pagiging komyunal, kaya hindi na kailangang sanayin ang sarili sa pagsakay ng jeep; natural na lang para sa atin na minsan kapag sinabing punuan ay asahan mong mayroon nang kalahati ng pwet ng estrangherong nakakandong na sa’yo sa unang ilang kilometro ng biyahe nito. Parang batas na sa pagsakay ng jeep ang bawal mag-inarte. Hindi mo pwedeng piliin kung sino ang makakatabi mo lalo na’t mag-isa ka. Makakasakay mo mula pinaka-mabango hanggang pinaka-mabahong tao at hindi ka pwedeng mag-reklamo.
Madalas nakaka-inis ang sumakay ng jeep, lalo na kapag nagmamadali ka at ang nasakyan mo ay ginagawang terminal ang bawat kantong madadaanan ninyo. Parang hindi pa sapat na komportable na sa pagkaka-upo ang mga pasahero at kailangan pang mag-siksik ng ilan pang katao sa makipot na mga upuan.
Pero may ilang pagkakataon na ayos lang, at ‘yun ay kung ang nakatabi mo eh guwapo o maganda at mabango pa. Parang ayos lang na sumiksik pa at kumandong sa kanya, diba? Parang ang sarap mag-imagine ng mga love story na nagsisimula sa chance meetings at nauwi sa kasalan o sa kung saan mang madilim na lugar. Nakakalimot ng inip, ng inis at ng problema ang bumuo ng pantasya habang tumutugtog sa isipan ang kanta ng Kala, Spongecola o Grin Department. Pero kahit gaano ka pa natutuwa sa imahinasyon mong baka siya na ang soul mate mo, matatapos din ang lahat kapag lumuwag na ang jeep o kapag kailangan nang bumaba. ‘Yun ang tinatawag na “bliss”, am-bliss dumating at am-bliss din mawala.
Ngunit bukod sa imaginary love story na maaaring mabuo sa pagsakay sa jeep, maraming iba’t ibang karakter pa ang iyong makikilala. Ilan sa mga nakilala ko na ay ang mga sumusunod:
1. Manong Antukin: Nakapikit, patango-tango at tutumba-tumba. Nakakaaliw panoorin. Tuwing may nakakasakay akong antukin, binibilang ko kung ilang beses siyang tatango bago siya magulat at magising at hanggang pagbaba ko ay iniisip ko kung lumampas na kaya siya sa kanyang dapat babaan o talagang balak niyang sumama sa susunod na biyahe o pag-uwi ni manong driver.
2. Manong Lasing: Nakakatakot, pero nakakatuwa ding panuorin. Parang manong antukin, pero nakangiti at madaldal. Kapag mahaba ang biyahe, kung hindi magkukuwento ng buhay ‘yan, matutulog at hindi lang stage 2 gaya ni manong antukin, hanggang stage 4 o REM. Nakasubsob na sa spare-tire na isiniksik ni manong driver sa masikip na jeep, hindi pa rin magigising.
3. Ang Konduktor: Oo, hanggang sa jeep may kanduktor din. Siya ‘yung piniling umupo sa likuran ni manong driver. Kapag piniling umupo malapit sa driver, understood na, parang inako na rin ang obligasyon na maging tagapag-abot ng mga bayad at sukli at dapat alerto ang konduktor dahil kasama na din dun ang pag-kalabit o pagbulong sa driver kapag may pumara at hindi nito narinig.
4. Aleng Reklamadora: Siya ‘yung sasakay at magrereklamo dahil mainit, masikip, mabagal at kung anu-ano pa. Pero ang nakakapagtaka ay sa’yo at hindi kay manong driver siya nagrereklamo, at bakit sa jeep siya sumakay at hindi nalang nag-trike o taxi.
5. Ang Dyosa: Ito ‘yung mahahaba ang buhok na parang ginagawang blow-dry ang hangin na pumapasok sa jeep. Parang gumagawa lang ng MTV dahil kahit sinasampal ka na sa mukha ng mahabang buhok niya ay wala pa ring pakialam. Ang sarap maglabas ng gunting at mag-ala Delilah. Pero take note, hindi lang mga babae, dahil usong-uso na ang rebond, may mga Dyosa na ring lalaki.
6. Ang Fashionista: Siya ‘yung kahit sobrang sikip na ng jeep ay nagagawa pa ring bumaling-baling sa pagkaka-upo, malikot at panay ang ayos sa damit na nagbabadyang malukot ng taong naka-ambang kumandong.
7. Ang Juicy: Hindi lang isang tao ito, kundi isang grupo, madalas ang bilang nila ay tatlo pataas. Sila ‘yung kung makapag-usap ay parang buong jeep ang kinukuwentuhan. Makikilala mo ang mga taong hindi mo naman kilala dati at malalaman ang personalidad at istorya ng buhay nila ayon sa kuwento ng mga Juicy.
8. Jologs DJ: Siya ‘yung may magandang unit ng cell phone na malakas ang speaker. Malamang wala siyang pambili ng earphones kaya kapag gusto niyang pakinggan ang mga baduy na koleksyon niya ng mga kanta habang bumabiyahe ay itotodo niya ang volume upang iparinig sa lahat ng pasahero.
9. Jack at Rose: Sila ‘yung madalas sa unahan naka-upo, at dahil hindi sila nakahalo sa sardinas sa likuran nila, pakiramdam nila ay nasa pribadong lugar sila at walang makakakita kahit na mag-lingkisan sila at atakihin ng mga langgam sa sobrang ka-sweetan. Kapag humalo naman sa sardinas sina Jack at Rose, nakakailang panuorin kung saan man hahantong ang kanilang pagsisiksikan.
10. Ang Adarna: Hindi dahil sa musika, pero adarna sa paglipad ng utak. Siya ‘yung mag-isa, pero tatawa na lang bigla, parang naka-high. Maluwag ang ngiti sa mukha habang curious ka lang kung ano ang iniisip niya. Minsan may hawak siyang cell phone habang panay ang text na makapagsasabi sa’yo na marahil ay nandun ang dahilan ng kanyang matinding emosyon ng kasiyahan, pero minsan ay wala at hihilingin mo na lang na sana ay wala siyang dalang kahit na anumang klase ng armas.
11. Mara at Clara: Sila ‘yung ma-emote sa loob ng jeep. Pinaguusapan kahit na pinaka-pribadong aspeto ng buhay nila. Kuwento ng kadramahan at problema na parang nagsusulat para sa istorya ng telenobela.
12. Ang Ewan Pa: Kung wala ka sa listahan na itaas, malamang ikaw ito. Hindi pa kita nakikilala, pero sana minsan ay makasakay kita sa jeep. Anong bagong karakter ka kaya at paano mo ako aaliwin?
Dahil mahal ko ang pagkain
February 23, 2011Walang moral lesson ang kuwentong ito.
Nung una akong pumasok ng college, B.S. Psychology ang course ko. Tapos nagsawa, nag-shift ako ng nursing. Tapos na-realize kong ayoko palang maging nurse, kaya nag-shift naman ako sa Marketing. Kayalang puro accounting, kalokohan! Kaya nagpahinga ako at napasok sa call center. Habang nasa call center, marami akong raket, nandun na yung sumali ako sa teatro, kumakanta, sumasayaw at umaarte sa entablado, nag-freelance article writer, nag-freelance artist, nagmodel-modelan sa kung saan-saan at halos dalawang taon na nagpalibad-libad sa labas ng institusyon ng paaralan.
Masaya naman, mayaman tuwing suweldo at pasipol-sipol na lang kapag close to payday. Akala ko pwede na akong mabuhay sa ganun, pero nagkamali ako. Nakakasawa palang makipag-usap sa mga ‘kano at makarinig ng murahan ng mga kasama sa trabaho sa kaliwa’t kanan ng istasyon ko. Nakakapagod ang mapadpad kung saan-saan at hatiin ang katawan sa sangkatutak na sideline para lang may pang-shopping at may pang-gimmick. Isa-isa, kinailangan kong bitawan ang mga raket ko. Demanding ang maging isang call center agent. Nakaka-ubos ng lakas, nakakalaki ng tiyan, nakaka-stress ng utak at nakaka-taas ng presyon. Masyado nang malaki ang bilbil ko para maging modelo, masyado nang gamit ang boses ko para kumanta, masyado nang malaki ang eyebags ko para maka-engganyo ng mga manonood at masyado nang tuyo ang utak ko para magbenta ng mga sulatin. Napag-isip-isip ko, mag-iipon ako at babalik sa pag-aaral.
Kaya, eto ako ngayon, balik buhay estudyante. Dahil puro first-year, first-sem ang natapos ko sa kakalipat ko ng kurso, first-year pa rin ako, pero second-sem naman na. Masaya pala ang mag-aral. ‘Yung wala kang ibang iintindihin kundi ang mga assignment at projects mo sa school. Masarap ang tulog mo dahil hindi mo na iniisip ‘yung panginginig ng laman mo habang nakikipag-talo ka sa irate na customer. Hindi mo na din iniisip na kailangan mag-shopping ng maraming damit dahil uniporme naman ang palaging suot sa pag-pasok. Kung hindi ko naranasan ang mag-trabaho, malamang hindi ko na-appreciate ng ganito ang maging isang estudyante. Eenjoyin ko na talaga ito ng todo. Tatlong taon pa at magiging kusinera na ako, ay, excuse me— chef pala.
Nagtatanong lang (2)
February 7, 2011Bakit kaya may mga bagay na mahirap intindihin? (Parang Math?)
Sabi ng professor namin sa Theology, kapag daw nakapulot ka ng Sanlibong Piso at alam mong hindi iyon sa’yo, ibalik mo ito sa may-ari. Paano kung ikaw lang mag-isa at wala naman ibang tao sa paligid para pagsaulian nito? Sabi niya sa lost and found daw. Paano kung wala? Sa mga pulis? Ano namang gagawin ng mga pulis sa perang ‘yon? Magpapakalat ba sila ng fliers para kung sa kung sino man ang nakakakilala sa natagpuang pera?
Normal lang naman ‘yun. Kung alam mong hindi sa iyo, edi sa iba. Ang mahirap lang, eh kung kanino ba talaga. Naalala ko tuloy ‘yung mga natatanggap kong sukli minsan, sa bente pesos may nakasulat na cell phone number. ‘Yun siguro ang purpose noon. Pero bakit ‘yung mas malalaking bills hindi sinusulatan? Kung isusulat ko ba ang cell phone number ko sa aking limandaang piso, di maglalaon at may tatawag sa akin para isauli ito?
Tinanong ko ‘yung professor namin: Paano kung nagdarasal ka dahil wala ka nang pang-kain, kung mapuputulan ka na ng kuryente o malapit ka nang mapalayas sa inuupahan mong kuwarto dahil wala kang pambayad? Kaka-endo mo lang sa trabaho. Paano kung biglang sa kung saan may mapulot kang pera sa daan. Walang lost and found, wala ring ibang tao para pagsaulian? Hindi mo ba iisipin na tinugon ang panalangin mo? Sabi niya, hindi daw ganun ang pagsagot sa mga panalangin. Eh, paano? At anong dapat mong gawin? Iiwan mo na lang ba ‘yung pera kung wala rin lang naman nakasulat na cell phone number dun? Hindi mo rin naman kasi maaaring angkinin dahil hindi sa iyo ‘yun.
Ang paliwanag niya ay kunsensiya. Kunsensiya mo kung kukunin at aangkinin mo ang bagay na alam mong hindi naman sa’yo. Hindi mo nga ito ninakaw, pero kumagat ka sa temptasyon na ariin ang pagmamay-ari ng iba. So, ano nga ba ang dapat gawin? Pupulutin o iisnabin? Kapag pinulot mo ‘yon at ibinulsa, nagkasala ka. Kapag pinabayaan mo at hinayaan mong iba ang pumulot nito, hinayaan mong iba naman ang magkasala. Kunsensiya mo rin ‘yun diba? Kapag alam mong ipinagkanulo mo ang kaluluwa ng iba?
Kung lahat pala ng tao may kunsensiya na hindi angkinin ang kung ano mang natagpuan nila na alam nilang hindi sa kanila, tuwing malakas ang hangin, pera at hindi yero ang makikita nating lumilipad, pera, alahas at kung ano pa ang ating winawalisan sa kalsada, babaha hindi ng basura kundi mga unclaimed na bagay. Na-imagine ninyo? Nakakatuwa noh?
Magulo, magulo… Sana wala akong makitang pera o ano mang mahalagang bagay sa daan, dahil hindi ko alam ang gagawin ko. O kung makapulot man, sana may lost and found o cell phone number para maisauli ko. Eh, ikaw? Anong gagawin mo? Curious lang ako, baka mamaya kasi ako lang ang tatanga-tangang hindi makaunawa ng topic na ‘to.
Double Cheeseburger, Upsized
February 5, 2011Love Story ba? Marami ako niyan dito: …ShusH…
Mahilig akong magsulat. Obvious ba at dala-dalawa pa talaga ang blog ko? Halos lahat ng aking mga isinusulat, kahit horror pa ‘yan o comedy, kailangan palaging may love story, love story na hindi naman ibig sabihin ay romance. Gets? Never mind. Wala lang, na-share ko lang. Wala naman talagang relevance sa post na ‘to o sa kuwento ko ngayon.
May kakilala ako na sobrang fickle, ‘yung tipong hindi makapag-desisyon kasi palaging nagbabago ng isip. Kahit i-pressure mo pa, walang epekto sa kanya at ikaw lang ang maii-stress sa kakahintay kung ano ba talaga ang sagot niya. Parang kapag kasama mo siyang nakapila sa McDo, hindi naman sa hindi niya alam kung ano ang gusto niya, alam niya kung ano ang gusto niya, pero parang hirap siyang i-justify sa sarili niya kung bakit cheeseburger imbes na quarter pounder o mcfloat imbes na regular drink. Hindi ba nakakaiinis ‘yung tatanungin mo ‘yung kasama mo ng “Ano’ng order mo?” at isasagot niya sa’yo ay “Kahit ano.”? Maniwala kayo sa akin, minsan hinihiling ko na ‘yun na lang ang sagot niya kaysa sa may isagot siya pero maya-maya lang iba na, at parang nang-iinis na kung kailan nasa harap na kayo ng pila dun siya biglang babanat ng “Ay, teka…”
Pero may purpose ang pagiging ganun niya, kahit naman kasi matagal siyang um-order sa McDo hanggang sa ‘yung cashier mismo nainip na sa kanya at natanggal na ang pekeng smile sa mukha, makikita mo ‘yung satisfaction niya habang nakaupo siya at kumakain. Mababaw na bagay lang ‘yun. Kumain kami sa McDo dahil gutom, dahil bigla lang naisipan na gusto ng McFloat o dahil lang napadaan at nagkayayaan, pero hinding-hindi ko maiintindihan ‘yung kasiyahan niya sa pagkain na parang nun lang niya natikman ang ganung pagkain. Hinding-hindi ko maiintindihan dahil ako basta nasa McDo, alam ko na kung ano ang order ko, kumbaga, hindi na ako kailangan tanungin, at hindi na din ako magbabago ng isip. Sinubukan ko ‘yun nung minsan, sinubukan kong mag-inarte at kunwari hindi ako makapag-decide, na-doble ang inis ng cashier, pero siya lang ang nag-enjoy habang kumakain. Na-miss ko ‘yung lagi kong order at napag-isip-isip ko na hindi lang pag-iinarte ang ginagawa niya. Eh, ano? Gusto kong intindihin, pero mahirap.
Kapag magkasama kami ng kaibigan ko na’to, lagi kaming tinatanong “Kambal ba kayo?” kapag sinabi naming hindi, “Magkapatid?” Hindi. “Magpinsan?” Hindi. “Magnanay? Maglola? Magtiyahin?” Parang kahit ano na yata para makahanap ng bloodline sa pagitan naming dalawa. Pero hindi, nagkakilala kami nung first year high school, at sa lahat ng tao na nakilala ko, siya ang hindi ko inaasahan na magiging matalik kong kaibigan. Magkaibang-magkaiba kasi kami ng ugali. Pero ngayon na binabalikan ko lahat ng pinagsamahan namin, ‘yung pagkakaiba namin ng mga pananaw ang naglapit sa amin.
Tahimik ako, hindi ako kakausap ng tao kung wala akong mahalagang sasabihin, kapag biniro ako nakaka-disappoint ang reaction ko (sayang lang ang effort), palaging lumilipad ang utak ko sa kung saan kaya palagi rin akong napagkakamalang suplada dahil hindi ako mahilig makihalubilo sa iba. Palakaibigan siya, madaldal, laging may baong kuwento at laging mahilig magpatawa. Kumbaga, gabi ako at siya umaga, mahilig siyang gumala, tamad naman akong maglakad. Pero dahil din sa ganun siya at ganito ako, kaya kami nagkasundo.
Nung una kaming magkakilala, nagkakainisan kami. Alam ninyo ‘yun, usong-uso ‘yun sa mga babae, lalo na high school. Ang tingin ko sa kanya nun, pakawala, walang poise at papansin at ang opinyon naman niya sa akin ay maarte, pa-importante at “feeling”. Nung mga unang araw ng klase, hindi kami nagpapansinan, nagsimula lang kaming mag-usap nung nagkaroon kami ng group project. Civil naman ako kahit sa mga taong hindi ko masyadong gusto. Hindi naman nga ako mahilig kumibo kaya hindi ko rin naman babastusin ang kahit na sino. Masayahin siya at naiinis man akong aminin noon, nakakatawa ang mga OA at baduy na jokes niya. Naisip ko nun, pwede na rin, kaklase ko naman, kaya paminsan-minsan nakikipag-kuwentuhan ako sa kanya.
Nagsimula lahat nung napansin ng ibang kaklase namin na nagiging malapit na kami sa isa’t isa. Unconsciously, nakabuo na kami ng sarili naming grupo dahil may dalawang kaklase pa kami na iba rin ang ugali pero di namamalayang nakasundo na namin. Kaming apat ang palaging magkasama tuwing recess, lunch at uwian. Lagi kaming magkaka-kuwentuhan at nagkikiligan sa corridor. Wala man sa hinuha ko, nagbago ang lumang routine ko at nag-eenjoy na pala talaga akong kasama sila.
Kapag bata ka pa (high school), kung anu-ano ang pumapasok sa isip mo. Madali ka pang maapektuhan ng mga drama na napapanood mo sa telebisyon o nababasa mo sa komiks. Pakiramdam mo ang buhay mo ay isang mahabang telenobela na ikaw ang bida, kontrabida at extra, kaya aminin mo man o hindi, ma-drama talaga. Kinompronta ako ng ibang kaklase ko isang araw, tinanong nila kung bakit nagbago daw ako. Ang sabi nila, dati sila ang mga kaibigan ko pero na-impluwensyahan daw ako ng hindi maganda kaya napasama ako sa isang grupo ng mga maldita. Ikinagulat ko ‘yon. Ang pagkakaalam ko kasi kinakausap ko lang ang mga kumakausap sa akin. Sumasama lang ako sa mga nagsasama sa akin at tinatawanan ko kung sino man ang magbiro sa akin. Wala akong kaibigan. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng tunay na kaibigan. Pero dahil ayaw kong lumaki ang gulo, umiwas ako sa grupong sabi nila ay nakasisira daw sa imahe ko.
Ano nga bang imahe ko? Nung sinimulan na rin akong iwasan ng grupong dati kong kinabibilangan, napagtanto ko kung ano. Dati, ayos lang sa akin kung sa araw na ito ay kausapin mo ako at bukas hindi. Kausapin mo ako kung may kailangan ka, hindi naman kita iisnabin. Kapag nginitian mo ako, ngingitian din kita, walang kaso ‘yun sa akin. Kapag inaya mo ako, kahit wala ako sa istilo sasama ako kung hindi naman nakaka-istorbo sa aking gawain. Ganun ako. Ayoko na may masabing masama tungkol sa akin. Mas gusto kong tumahimik na lang kaysa may masabing hindi maganda. Mas gusto kong makitawa na lang kaysa mapahiya kung mag-joke ako at hindi ito mabenta. Mas gusto kong makinig kaysa magsalita at walang makaintindi sa gusto kong sabihin. Kapag sinabi mong gusto mo ako, sige, gusto na din kita kung ‘yun ang ikatutuwa mong marinig.
Nung nagbalik ako sa pagiging mag-isa, na dati ay hindi ko naman binibigyang pansin. Nung nagbalik ako sa pagiging takbuhan ng kahit na sinong kinakausap lang kapag may kailangan. Nung nagbalik ako sa pagiging, gaya ng sabi nila, kaibigan daw ng lahat, dun ko napagtanto kung sino nga ba ako. Ang imahe ko, parang karinderyang bukas sa lahat ng gustong kumain. Hahaha. Tita Shawie!
Ako ay isang transparent na PLASTIK na palutang-lutang sa bugso ng hangin.
Hindi naglaon nagka-away-away na, at inaasahan ng lahat na wala akong papanigan, pero hindi ako nakatiis, kailangan kong makialam. Bumalik ako sa grupong tinanggap ako ulit ng buong puso. Pinagkaisahan kami ng lahat pero hindi ko naman ‘yun pinagsisihan. Ayoko nang maging plastik sa tunay kong nararamdaman.
Pero gaya nga ng sabi ko, noon kasi parang telenobela ang buhay iskwela. Lahat feeling MaraClara. Ngayon, nakakatawa na lang ang lahat ng ‘yon. Pero walang makapagbanggit nun sa mga reunion. Hindi ko alam noon kung ano ang ibig sabihin ng pagkakaibigan. Ngayon, alam ko na, na hindi iyon madadaan sa definition o kahit na ano pang quotation.Nandiyan ang mga kaibigan kahit na hindi mo sila kailangan. Nagkakaintindihan kayo kahit magkakaiba ang inyong mga prinsipyo. Mag-aaway kayo pero matapos ang drama ay magbabati din na higit pang kilala ang isa’t isa kaysa sa akala mo ay alam mo na.
Ang kaibigan na minsan nakakainis pero hindi mo maiwan. Kahit pa makulit siya. Kahit pa maingay siya. Kahit nakakahiyang kasama. Kahit na masama na ang tingin sa inyo ng cashier dahil sa tagal ninyo sa pag-order hindi mo magawang umalis sa tabi niya. Plastik ako, pero sa mga kaibigan ko, kaya kong maging totoo.
So, ano nga ba ang punto ng kuwento ko?
Wala lang. May angal?
Bulaklak na Bakal
February 4, 2011Nakakainis ang mga ganitong klase ng emote…
Nung isang linggo, ay hindi, nung isang buwan pa yata, hindi na ako sigurado pero hindi na mahalaga ‘yun. Basta ang post na ‘to tungkol sa nakaka-badtrip na video na ‘to na napanood ko. Badtrip kasi pinaiyak talaga ako. Oo na, corny na kung corny. Malamang luma na rin para sa nakakarami, kasi hindi naman talaga ako mahilig sa mga ganitong bagay kaya lagi akong huli sa balita. Nakita ko lang ‘to kasi ‘yung isang kaibigan ko sa EFBEE na Metal kung Metal ang mga banat ang nag-post nito. Bago ko pinanood, ‘yung cover ng clip, kamukha ni Jack Black pero iba ang pangalan sa description kaya na-intriga ako.
Tenacious D’ ang inaasahan ko, pero hindi na rin masama. Matagal ko na rin kasi hindi naramdaman ‘yung umiyak ng walang dahilan. Tungkol ito sa audition ng isang lalaki para sa A.I., sabi nila Gimik lang, pero kung Gimik man, wala na akong paki, basta nadurog ang puso ko.
Eto lang ang masasabi ko. Kahit na kamukha mo si Jack Black pero hindi ka Metal, bilib ako sa’yo.
‘Yan ang tunay na lalaki.
Naalala ko tuloy ‘yung isang episode sa Simpsons nung nakilala nila ‘yung Mob Boss. Nung tinanong ni Marge tungkol sa asawa niya…
MB: …I bring flowers to her grave every week…
Marge: Wow! Flowers every week? I wish I was dead!
Hindi naman siguro masama ‘yung kahit minsan, corny man tignan, magbitbit ka ng bulaklak para sa babaeng mahal mo. Eh ano kung pagtinginan ka ng mga tao? Hindi naman ‘yun para sa kanila di’ba? Ang mga babae, kahit tumanggi ‘yan, kinikilig kapag nakatanggap ng bulaklak. Ang mga babae, kahit ilang brilyante pa ang iharap mo sa kanya, matutuwa at matutuwa siya kung sa susunod bulaklak naman ang ialay mo sa kanya. Claim her body with a diamond ring, but claim her heart with a single rose.
Simple lang naman ang ibig kong sabihin. Ang mga babae, kahit gaano ka-independent, kahit gaano ka-praktikal, kahit gaano ka-metal, nasa puso pa rin niyan ang romance. Hindi literal na bulaklak, kung hirap ka pa ring intindihin, ang ibig kong sabihin, minsan magpaka-corny ka. Minsan ipadama mo sa kanya na prinsesa siya. Minsan ipaalam mo sa kanya kung gaano siya kahalaga. Lambingin mo, hindi dahil may hinahabol ka, kundi dahil talagang gusto mo siyang makasama. Purihin mo na maganda siya hindi para maka-score ka, kundi dahil alam mong para sa’yo wala nang hihigit pa sa kanya.
O, saan na ako napunta? Jack Black, akala ko ba Metal ka? Badtrip talaga…
Nagtatanong Lang (1)
February 2, 2011Maiksi lang ito, hindi ako magkukuwento… magtatanong lang.
Bakit kaya may mga tao na napaka-simple lang ng sagot sa tanong mo, eh pahihirapan ka pa.
A: Ano’ng pangalan mo?
S: Bakit?
Sumagot ka na lang. Magtatanong pa eh… Pulis ako, pinaghahanap ka ng awtoridad. Praning.
A: Ilang taon ka na?
S: Ano sa palagay mo?
Uhh… Gusto mo mag-sinungaling ako? Ganito na lang: hindi ako mapalagay. Pwede na ba ‘yon?
A: Pwedeng magtanong?
S: Nagtatanong ka na eh. ‘Yun lang ba?
Hahaha. Pilosopo ka pa, ha. Pak!
Bad trip, diba?
Your Score: 0
February 1, 2011Warm-up lang ‘yung naunang post ko, eto totoong kuwentuhan time na.
Dahil February na, at Love Month na, kuwentong lablayp muna tayo. Gusto nyo ba ‘yun? Kahit ayaw nyo, eto ang gusto ko. Blog mo mo ba ‘to?
Kahapon, may nabasa akong ka-kornihan. Korni pero patok, kaya nga kasali sa kuwento eh. Hindi ko alam kung saan galing o kung sino ang nagsulat, kung alam ninyo, paki-comment na lang. Hindi ko na mahanap ‘yung orihinal na pagkakasabi pero parang ganito: Ikinukumpara ang isang relasyon sa paglalaro ng snake sa cell phone. Pareho daw kasi ang mechanics, paghihirapan mong pahabain at habang humahaba lalong nagiging exciting. Exciting kasi kabado ka na baka magkamali ka lang ng diskarte, mauntog at biglang Game Over na. Naalala ko tuloy ‘yung laging biro sa akin ng mga kamag-anak ng ex ko, sabi nila magsuot daw ako ng helmet dahil baka mauntog ako at matauhan. At talagang sa kanila pa talaga nanggaling ‘yun ano? Nakakatuwa lang.
Sabi nila kapag na-in love ka daw, hindi mo na naiisip minsan ‘yung ibang mahahalagang bagay dahil ang pinaka-importante sa’yo ay ‘yung taong mahal mo. Resulta siguro sa hilig ng mga Pilipinong manood ng afternoon drama kaya ang daming Pilipino din ang emo pagdating sa love. Pero bakit nga kaya ganun? Bakit kapag may ginawang katangahan ang isang tao, agad niyang sasabihin na ginawa niya ‘yun dahil sa love? Kawawang love, laging buntunan ng sisi. Kaya naman pala marami ring tao ang bitter eh.
Pero dapat ba talaga ganun? Hindi naman diba? Na-in love ka lang, pero hindi pa naman nawala ang kakayanan mong mag-isip. Anong dikta ng puso ang pinagsasabi mo diyan? Ang dikta ng puso mag-circulate ang dugo sa katawan mo at dumaloy ang oxygen sa internal organs mo. Utak pa rin ang pinapagana mo, kahit ano mang desisyon na gawin mo habang in love ka, maliban na lang kung naka-drugs ka, kargo mo. Wag mong isisi sa isang emosyon na gawa-gawa rin lang ng imahinasyon mo ang anumang kamalian na ginagawa mo.
“Bakit pilit kang kumakapit sa isang relasyon na alam mong walang patutunguhan?” Tinanong ko ‘yun sa kaibigan ko at ang sabi niya, dahil mahal niya ‘yung tao. Mahal niya daw ‘yung tao na hindi makuhang pumili kung sino sa dalawang pinakikisamahan niya ang mas matimbang sa kanya. Mahal niya daw ‘yung tao na pilit siyang pinangangakuan at pinapaasa sa wala. Nakakapang-init ng ulo. Nakakakulo ng dugo. Muntik nang idikta ng puso ko na atakihin ako. Nagalit ako hindi dun sa love virus na tumama sa kaibigan ko, nagalit ako hindi dun sa lalaking palikero, kundi nagalit ako sa kaibigan ko dahil nakalimutan niya kung papaano mag-isip.
Naiintindihan ko naman na masakit para sa kanya ‘yun, pero kung nasasaktan man siya, ang ibig lang sabihin nun alam niya pa kung ano ang pakiramdam na maging masaya. Bakit hindi niya igugol na lang ang panahon niya sa pagiging masaya kesa umiyak ng umiyak dahil alam niyang niloloko siya? Ang kaligayahan ay libre lang, kung binibili mo ang konting panahon ng saya sa ga-baldeng luhang kabayaran, mababang kalidad ng kaligayahan ‘yan.
Ipinaalala ko sa kanya lahat ng mga pangaral niya sa akin nung mga panahong ako ang nasa kalagayan niya. Ibang daloy ng storya, pero pareho lang ng tema: Isang relasyon na walang pinatutunguhan. Isang relasyon na nakakasakit. Isang relasyon na nakakapangit. Ipinaalala ko sa kanya kung paano niya pinilit hubarin ang helmet kong suot para iuntog ako sa pader, at gaya niya ngayon, nakailang untog at semplang muna ang kinailangan bago ako natauhan. Ganun ba talaga? Kailangan mapaso ka muna ng ilang beses bago mo matutunan na mainit pala talaga ang kalan? Teka, gutom na ako, pagkain na naman ang nasa isip ko.
Nung pumasok ka sa relasyon na ‘yan, isip ang pinagana mo. Nagdesisyon ka hindi dahil sa dikta ng puso mo, kundi dahil sabi ng isip mo “puwede”. Kapag dumating ang panahon na nakita mo ang sarili mong nakakulong sa isang relasyon na paikot-ikot lang, utak pa din ang kailangan mong gamitin para makahanap ng daan palabas. Ang problema nga lang, nandyan na ang exit, pilit ka pa ring naghahanap ng surprise doors na baka sakaling magturo sa’yo ng ibang direksyon. Baka sakali lang na magbago ang hugis bilog. Nakakapagod diba? Nakakasawa? Nakakahilo? Nakakasuka? At dahil sosyal ka: Nakaka-frustrate?
Hay, pero ‘yan ang gusto mong gawin eh. Pinili mong umikot ng umikot. Pinili mong tumawa at umiyak ng sabay. Kapag handa ka na, kapag nakita mo na lahat ng peklat at bukol mo sa katawan, siguro naman matatauhan ka na.
Ang kaligayahan, hindi ‘yan binibili ng patingi-tingi. Binibigay ‘yan ng buo, bultuhan, walang labis-walang kulang. Kung ang tingin mo sa relasyon na kinapapalooban mo ngayon ay parang naglalaro ka ng snake, hubarin mo ang helmet mo para isang untog lang gising ka na, dahil ang isang tunay na masaya at malusog na relasyon walang kinatatakutan, walang kaba kang mararamdaman na matatapos ito ng biglaan.
Hindi ako naniniwala sa relasyon na isa lang ang in love. Kung pareho kayong nag-desisyon na pumasok sa relasyon na ‘yan, dapat pareho kayong sigurado na kaya ninyong panindigan. Pareho kayong may pagmamahal. Pareho kayong handang magbigay ng kaligayahan na buo, tagos sa puso at walang hinihinging kabayaran.
In conclusion, kung ang relasyon mo ngayon eh parang snake, naka-helmet ka dahil takot kang mauntog at binibili mo ang kaligayahan mong pampanandalian na ’sang drum ng luha ang kabayaran, find the nearest exit and take it. Dahil kung hindi katangahan ang tawag diyan, tawag ng laman.
EF-BEE EMo
Pebrero na naman, Valentine’s Day (Balentayms) na naman ang nasa isip ng mga tao kahit a-uno pa lang. Bakit nga kaya ganun? Saan ba nanggaling ang kaugaliang kailangang i-celebrate ang buwan ng mga puso? At sino ang loko-lokong nagpasimuno na kailangan may partner ka sa ika-katorseng araw ng Pebrero?
Alam ko, wala naman masama sa paggunita ng araw na namatay ang Santo Balentino, pero bakit kailangan ganun? Paki-explain!
Pagbukas ko ng Facebook account ko, puro tungkol sa lablayp ang status update ng mga friends ko. Halos sa mga ‘yun ay mga kilala kong single o sawi sa pag-ibig. Para bang dahil Pebrero na, nagkaroon na sila ng lakas ng loob na ipangalandakan sa buong mundo na naloko sila, niloloko sila o kaya naman ay talagang walang magkamaling pumatol sa kanila. Ang nakakapagtaka pa, maraming likes ang mga ganung status messages. Ano ‘yon? Parang kontra-kulam? Kapag ni-like mo, hindi malilipat sa’yo ang sumpa?
Bakit nga kaya kapag palapit na ang Valentine’s Day dumodoble ang dami ng mga emo? Meron mga nagpo-post ng mga lyrics ng kanta, mga lumang quotes na napagsawaan na sa text, mga bitter-bitteran na patama sa mga ex at ‘yung iba dinadaan sa tanong: hanggang kailan ako magiging single? (Kawawa ka naman…) Hay, ayoko na lang mag-comment, baka tuluyan nang mag-suicide.
Kung tutuusin, dapat kapag ginugunita ang love month masaya, diba? Umiiyak ka ba habang ginugupit mo sa kartolina ‘yung imahe ng dalawang taong naghahalikan at iniisip na sana ikaw din? Bitter ka ba habang kinukulayan ang mga puso dahil sa loob-loob mo eh alam mong broken ang heart mo? Masama ba ang loob mo habang sinasabit ang mga kupido sa harap ng pintuan mo dahil hanggang ngayon eh hindi pa nito napana ang puso ng crush mo? Eh para saan pa palang nagsasayang ka ng oras sa pagdedekorasyon kung wala ka rin pala sa mood na gawin ‘yun?
O sige, given na na naiinggit ka dahil ang iba masaya ang lovelife at ikaw hindi, pero hindi naman dahilan ‘yun para ipahayag mo sa buong mundo ang pagluluksa mo, diba? At wala ring dahilan para magpaka-nega ka. Sa sobrang bad ng vibes na ipinakakalat mo, nanghahawa ka pa ng iba. Imbes na masaya ang paglalaro ko ng Pet Society, naiisip ko tuloy na iregalo sa pet mo lahat ng pinagpaguran ko sa kaka-visit para lumubag ng konti ang loob mo.
Happiness is a state of mind. Paano ka magiging masaya kung lagi mong iniisip na malungkot ka, na kawawa ka, na daig ka ng iba dahil sila meron at ikaw wala? Hindi ko sasabihin sa’yo na maghintay ka dahil dadating din ‘yun, masama din naman ang sobrang umasa. Hindi ko din sasabihin na malay mo balikan ka ng ex mo, dahil may dahilan naman talaga kung bakit kayo nag-hiwalay. Gusto mo bang ulitin ‘yon? Pero sasabihin ko sa’yo na hindi ikaw ang pinaka-malas na tao kung wala ka mang date ngayong darating na Valentine’s Day.
Maging masaya ka, at ipakita mo ‘yun sa iba. Ipakita mo na kahit walang kapareha kaya mong maging masaya. Isipin mo na lang na ‘yung mga taong hindi mabuhay nang walang kasama sa panonood ng sine at kailangan palaging may ka-holding hands tuwing naglalakad sa mall, sila ang totoong kawawa. Hindi nila kaya ‘yung kinaya mong gawin: Mag-celebrate ng Valentine’s ng mag-isa. At may mga friends ka naman, diba? Kahit sa Facebook lang? Ako, Facebook friend mo, sana naman ‘wag mong hintayin na magsawa ako sa mga negatibong status updates mo at i-delete kita sa friends list ko.
"Bakit" BOLD at italized
January 11, 2011Bakit kaya ang hirap sagutin ng tanong na Bakit?
May pamangkin akong apat na taong gulang pa lang. At siyempre, ang mga batang nasa ganoong edad, sadyang matanong. Curious kumbaga. Marami silang mga gustong malaman. Sino? Ano? Saan? Paano? at Bakit? Sa lahat ng ‘yon, lahat objective lang ang sagot, maliban na lang sa pinakahuli.
Halimbawa:
Sino ang kasama mo nung Sabado nang makita kita sa may kanto?
Boyfriend ko po.
Ano ang ginagawa ninyo?
Naglalakad po.
Paano?
H.H.W.W.P.S.S.P (holding hands while walking pa-sway sway pa) po
Saan kayo papunta?
Sa tago at madilim na sulok— po—
Bakit?
…Ehh…. ???
Hindi naman sa hindi mo alam ang sagot. Minsan talaga lang na mahirap ipaliwanag ang mga bagay-bagay. Mahirap mag-organisa ng payak, hindi maligoy at direktang sagot sa tanong na Bakit?
Bakit nga kaya?
B: Tita, bakit niya binaril?
A: Kasi Bad Guy siya.
B: Bakit siya Bad Guy?
A: Kasi kaaway siya nung bida.
B: Bakit kaaway siya nung bida?
A: Kasi kontrbida siya.
B: Bakit siya kontrabida?
A: Kasi sabi ng direktor.
B: Bakit sabi ng direktor?
A: Para maganda ‘yung storya.
B: Bakit para maganda ‘yung storya?
A: Para matuwa ka.
B: Bakit para matuwa ako?
A: Kasi makulit ka.
B: Bakit makulit ako?
A: Hahaha
B: Bakit ka natawa?
Haay… Bakit nga kaya ang hirap sagutin ang tanong na Bakit? Bakit kapag Bakit na ang tanong, ang sagot parang palaging kulang? Laging bitin. Laging may follow-up question. Minsan kahit singhaba na ng listahan mo sa tindahan ang eksplanasyon mo, hindi pa rin sapat… hindi convincing ‘ika nga. Ikaw nga mismo, minsan parang hindi ka satisfied sa sagot mo sa Bakit na tanong kahit inilabas mo na ang lahat ng kaalaman mo mula sa baul kung alam mong hindi pa ‘yun nagpaliwanag ng husto sa gusto mong sabihin.
Parang kapag si Mister, tinanong ni Misis ng: “Bakit ngayon ka lang?”
Hindi na katanggap-tanggap ang sagot na “Pinag-overtime kami ni boss” kasi gasgas na palusot na ‘yan at ngayon, may cell phone na “Bakit hindi ka tumawag o nag-text?”
“Wala kasi akong load.”
“Bakit wala kang load?”
“Nagtitipid kasi ako.”
“Bakit amoy alak ka? May pang-inom ka pero wala kang pang-load?”
“Pinag-overtime kami ni boss, nahiya siya kasi marami siyang pinagawa kaya nanlibre siya ng inom. Masama naman tanggihan. Wala akong load kaya hindi ako nakapag-text. Wala din naman akong mahiraman ng cellphone kasi hindi ko pa ka-close ang mga iba kong ka-opisina. Hindi kita niloloko at hindi ako nagsisinungaling sa’yo.”
“Bakit defensive ka masyado?”
Tch. Mahirap talaga ang mga “Bakit” na tanong na ‘yan. Parang hindi na nauubos. Bawat gawin mo, bawat desisyon mo, bawat galaw mo, bawat sabihin at isipin mo may kaakibat na “Bakit”. Kahit anong iwas ang gawin mo laging nandiyan lang ‘yang Bakit na ‘yan. Hindi man ibang tao ang magtanong sa’yo, sariling utak mo kukuwestiyunin ka ng Bakit?, Bakit? at napakalaking Bakit? At kailangan laging nakahanda ang sagot mo.
Pero kung mahirap sagutin ang tanong na Bakit?, may mas mahirap pa kesa diyan at ‘yun ay ang WHY?
Oh, why do you have a dictionary with you?
Paumanhin, Ginoong Kuto
January 9, 2011Ang mga tao, pabagobago ng isip. Minsan gusto, minsan ayaw. Minsan dito, minsan doon. Minsan A, minsan B. Madali lang magdesisyon, ang mahirap yung panindigan yung desisyon na yun hanggang sa huli. Aminin na natin, kahit gaano ka kasigurado nung binilugan mo yung letter A na sagot bilang best answer, kinakabahan ka pa din kasi baka nga letter B ang tama. May point din kasi yung statement na ‘yun, nagkataon lang na mas malakas yung kutob mo sa A, pero baka nga B. Ang gulo. Ngayon, kailangan mong maghintay sa resulta ng pagsusulit, magsisisi ka ba na sana pinalitan mo ang sagot mo o matutuwa ka at naka-chamba ka sa hula mo?
Mga ilang buwan na ang nakakaraan naka-text ko ‘yung kaklase ko dati sa elementarya. Siyempre, kasama na dun ang kamustahan at kuwentuhan bukod pa sa pagbalik-balik namin sa nakaraan. Nagtatawanan kami (lol. hehehe. hahaha. ehe. ahe. toinkz! pak! wapak! rofl. etc.) at nagkakasundong mabuti sa pag-uusap namin sa text (maraming :) ^_^ <3 =p “,) etc.). Mahaba na din ‘yung paguusap namin nung bigla niyang tinanong kung “friends” daw ba kami dati. Napa-isip ako ng matagal. Bata pa kami nun. Magkasamang naglalaro, magkasamang naglalakwatsa, tumatakas sa titser o yaya, magkasama tuwing recess at lunch, magkatabi palagi kahit wala sa seating arangement, nagkikiligan sa mga guwapong artista, nag-aasaran sa mga crush, nagpapalitan ng FLAMES prediction at kung anu-ano pa bukod sa magkasama kami sa klase mula Grade 1 hanggang Grade 6. Hindi ko alam kung bakit niya biglang natanong kung “friends” ba kami o hindi. Imposible naman na nakalimutan niya lahat ng pinagsamahan namin na ‘yun. Pero ang mas lalo kong hindi maintindihan ay kung bakit nahirapan akong sagutin ang tanong niya.
Nung mga panahon na ‘yun, maliit lang ang mundong ginagalawan namin. Ang tanging mga nakakasama namin sa labas ng bahay ay yung mga kaklase at guro namin.
Sa trentang tao sa loob ng classroom, iba-ibang personalidad ang makikita mo. May magulo, may tahimik, may maaarte, may makukulit, may mga naliligo at may hindi. Kailangan mo lang naman pumili kung alin sa mga ‘yun ang gugustuhin mong makasama at makalaro, diba? Hindi na mahalaga kung nagkakasundo kayo, ang mahalaga, wala siyang kuto.
Hindi ko talaga maisip ang isasagot ko sa kanya. Hindi ko naman masabi na, OO dahil maraming beses din kaming nagsabunutan, nagsiraan, nagsigawan at napadala sa Principal’s Office dahil sa pag-aaway namin. Plastik, pangit, tanga, bobo, malandi… ilan lang sa mga salitang itinapon na namin sa isa’t-isa. Mga salitang hindi mo naman bibitiwan sa isang kaibigan habang umaamba ka ng sampal sa mukha. Ayaw ko na sana talagang sumagot, pero makulit siya. Iniiba ko ang usapan pero pilit niyang binabalik ‘yung tanong niya. “Friends ba tayo?“
Oo. Siguro nga masasabing “friends” kami o “close” kami dati. Nagpapalitan kami ng baon kapag sawa na kami sa parehong ulam. Nagkokopyahan kami at nagtuturuan ng assignment. Nagkukuwentuhan at naghaharutan kami tuwing recess. Naglalaro habang inaantay ang mga sundo kapag uwian. Pero, “friends” nga ba kami nung mga panahong nagsasabunutan kami? Nung nagbabatuhan kami ng masasakit na salita at sinasabing “Sana mamatay ka na!”? Madali lang sumagot sa tanong na ‘yun. Pwedeng-pwede ko naman sabihing OO para manahimik na siya. Pero hindi ko alam kung bakit parang may bumabara sa lalamunan ko at hindi ko siya masagot ng diretso.
Sinabi ko na lang sa kanya, “close kami”, akala ko pwede na ‘yun pero mapilit pa din siyang tanungin kung “friends” nga ba. Hindi pa rin maalis sa isip ko ang pagtataka sa mapilit niyang tanong. Parang “trick question” o “choose the best answer“. Gusto ko tuloy tanunging kung erasures are wrong ba.
Wala nang mapapala kung pasasamain ko pa ang loob ng isang tao na matagal ko nang hindi nakikita. Wala naman sigurong masama kung isasagot ko ang palagay ko totoo. Kung ano man ang maging resulta, nasa edad na kami para matukoy na mali ang magsabunutan o magsampalan dahil sa isang mababaw na dahilan. Siya na ang bahalang humusga kung tama ba ang sagot ko.
A o B…
Maliit lang ang mundo namin nung kami ay bata pa. Sa loob ng kwadradong silid-aralan, madalas ang tawanan, minsan may iyakan, kami ang magkasama. Mababaw man o malalim, wala siyang kuto kaya siya ang napili kong pakisamahan. Kung pagkakaibigan man ‘yon, sinagot ko na lang siya ng OO. Letter A, Final Answer.
Akala ko gagaan ang pakiramdam ko at nasagot ko din siya ng diretso sa wakas, pero parang lalong bumigat. Parang natatakot kang mali ‘yun dahil right minus wrong. Hindi kasi ‘yun parang paghuhula sa multiple choice na test na maidadaan sa “pen-pen de sarapen”. Tanong ‘yon na pinagisipan mabuti ang sagot. Bumalik pa ako ng ilang taon sa nakaraan para masukat mabuti kung A o B. Kaya O.A. man ang dating, kinabahan ako.
Siya naman ang matagal na hindi sumagot sa huli kong text. Nabagabag tuloy ako ng husto, baka nga mali ang sagot ko. Malalim na ang gabi nun at nakatulog ako sa kahihintay. Nabasa ko na lang ang text niya pagkagising ko kinabukasan. Hindi ko alam kung matatawa ako o maiiyak, pero alam ko na kung bakit hirap akong sagutin ang tanong niya. Kaya pala may kutob ako na pwedeng B ang sagot at hindi A.
“Friend, pwede pautang?
“
Isang Bandehadong Kanin
Nung isang buwan, naisipan ko gumawa ng isa pang blog at ito na nga iyon. Isang buwan siyang naka-tengga na walang laman. Ano nga ba ang ilalagay ko dito? Bakit ko ba naisipan gumawa ng isa pa eh meron na ako? Sabagay, ganun naman talaga ‘yun. May mga ginagawa tayo na minsan gusto lang natin, kahit na wala naman talagang dahilan. Parang kapag nagtaas ka ng kamay para maka-puntos sa recitation, confident ka sa sagot mo hanggang tanungin ka ng titser mo: “at bakit?”.
Patay tayo diyan…
Parang sa pagkain lang ‘yan. Dumalo ka sa piyesta, maraming pagkain na nakahanda, nandun ang paborito mong adobo, litson, kare-kare, sisig, chopsuey at iba pa, kailangan matikman mo lahat kaya kukuha ka ng isang sandok ng bawat isa. Pero tayong mga pinoy, hindi kumpleto ang pagkain kapag walang kanin. Parang may kulang. Parang hindi nakakabusog kahit gaano kadami ang kainin. Sa ratio ng ulam na kinuha mo, natural, kailangan balanse ang dami ng kanin na sasandukin mo, hanggang mauwi ka sa isang bandehadong pagkain na maya-maya lang ay mapapansin mong hindi mo pala kayang ubusin. May termino na tawag dun: “Takaw-Mata”. Hanggang sa tingin lang pala kaya. Sa mga ganoong sitwasyon, ang hirap makalusot. Nakakahiya naman na amining hindi mo kayang panindigan ang kasibaan mo, diba? Buti na lang pinaghandaan mo talaga, may plastic kang baon: “Pabalot na lang.”
Ganun na ganun din ang pakiramdam ko nung ginawa ko ang blog na ito. Nag-sign up ako at inayos ang disenyo, pero pagkatapos ko pa lang naisip na wala pala akong alam ilagay dito. Gaya nga ng nasabi ko, meron na akong isa pang blog. Pero, hindi ko na alam kung paano bawiin. Nagawa na eh. Hanggang umabot nga ng isang buwan na naiwan itong walang laman.
Sa isa kong blog nakalathala ang ilan sa mga istoryang isinulat ko, mga sketches at drawings na nililikha ko at iba pang bagay na maisipan ko. Anong silbi ng isa pang sisidlan kung pareho din lang ang nilalaman?
Matagal ko din isinantabi ang pag-iisip hanggang sa makalimutan ko na ang blog na ‘to hanggang nung nakaraang Huwebes kinailangan kong gumawa ng takdang aralin para sa Filipino. Essay— TAGALOG. Parang napakadali at napaka-simpleng gawin. Sabi nga eh, Chicken lang. Tagalog ‘yan, Pilipino ako, mas madali naman siguro ‘yan dahil sanay nga akong magsulat ng kung anu-ano at English pa. Nagkamali ako.
There are a lot of things that we easily take for granted just because they are always around. Gaya na lamang ng pagtatagalog. Ang dali-daling magsalita, mag-text, makipag-chat at magmura sa tagalog. Ito ang batayan ng pambansang salita ng Pilipinas na itinuro sa’yo simula pa nung ika’y musmos pa. Kung baga, feeling mo, master mo na. Pero hindi. Aaminin ko, isa ako sa mga tao na kapag nakakita ng tagalog na babasahin gaya ng Pinoy Komiks, Precious Hearts na pocket books o mga tabloids gaya ng Bulgar, iniisnab ko lang. Kaya nga kapag nagsusulat ako, laging English din, dahil alam ko ang pakiramdam ng mga katulad kong mayabang sa pagkakaroon ng kaisipang kolonyal. Kapag English: sosyal, credible at intelihente ang dating. Kapag tagalog, pang-masa, walang kredibilidad at kanto level lang. Maling-mali ‘yon.
Nung umabot ng tatlong oras ang pag-iisip ko kung paano sasagutin ang napaka-simpleng essay na ‘yun, napagtanto ko, hindi ko dapat minaliit ang mga sulating Pilipino. Kung napadalas lang sana ang pagbabasa ko at pagsusulat gamit ang sariling wika ko, mas mabilis sana at mas madali ang pagsagot ko sa takdang-aralin na ‘yon. Nasagutan ko pa din naman sa bandang huli, pero alam ko sa loob-loob ko na hindi sapat ang ginawa ko. ‘Yung tipong maganda na sana pero parang may kulang. Gaya na lang nung pakiramdam na naiuwi mo nga ang binalot na handa na hindi mo nakayanang ubusin sa piyestang dinaluhan kanina, pero iba na ang emosyon mo habang kinakain mo ‘yun. Wala ‘yung tuwa mo na kasalo mo ang mga kaibigan mo sa pagkain. Iinitin mo na lang sa microwave kasi nagsebo na ang kare-kare, kumunat na ang balat ng litson at medyo maasim na ang sisig. Masarap sana pero may kulang.
Sa haba ng kuwento ko at sa dami ng nasabi ko (o nai-sulat… nai-type?), isa lang ang punto ng post na ‘to: Tagalog. Ibang-iba sa nakasanayan ko at ibang-iba sa isa kong blog na English kung English-an ang labanan; gaya ng isang bandehadong kanin sa hapag ng bawat mesang Pilipino tuwing kainan, bawat isang post dito, Tagalog. English ang italized.
Ang kolonyal na blog ay matatagpuan dito: http://amaranthlevana.blogspot.com































